Magpapakalat umano ang Poland ng mahigit apatnapung libong security personnel para protektahan ang Santo Papa pati na ang libo libong mga kabataang Katoliko sa gaganaping World Youth Day o   W-Y-D sa Krakow ngayong linggo.

Ito ay matapos ang sunod-sunod na pag atake sa Paris, Brussels, Nice at Munich kung saan umabot na sa halos dalawang daan at limampung katao ang napa-ulat na nasawi.

Ayon sa gobyerno ng Poland, ang Santo Papa Francisco, bilang pinuno umano ng Simbahang Katolika ay maaaring maging potential target ng mga gunman.

Matatandaan na noong ika-labing tatlo ng Mayo taong 1981 ay tinangkang patayin si St. John Paul II ng isang Turkish gunman na kinilalang si Mehmet Ali Agca.

Ito umano ay pagpapakita na ang mga lider ng simbahan ay posible ring atakihin gaya ng mga politiko.

Nagpakalat na rin ang Warsaw ng halos dalawampung libong pulis kabilang na ang dalawang libo at limang daan na nagpapatrol sa mga kalye, siyam na libong bumbero at walong daang special government agents pati na ang isang libong guwardiya na kikilos para sa seguridad ng lugar.

Paniniguro ng Poland, hindi mapapahamak ang Santo Papa at ang mga kabataang delegado ng bawat bansa gayundin ang mga taong dadalo sa World Youth Day ngayong taon.

Mino-monitor na rin ang Balice Airport sa Krakow kung saan dito umano dadaan si Papa Francisco sa kanyang pagdating sa Krakow gayundin sa pag alis nito.

Kaugnay nito, siniguro rin ng Poland ang kaayusan ng mga istasyon ng tren at bus stops na gagamitin ng mga delegado.


 

Contact Us

Facebook Page